Komunikasyong Pangkaunlaran

Ako po si DC Alviar, punong patnugot ng mga elektronikong balita, impormasyon at Op-Ed sa website na ito. Tapos po ako ng komunikasyong pangkaunlaran at ekonomiks, salamat sa UP at Adamson. Sa mga pamantasang ito nabuo ang aking pangarap na sumagana ako at, ang kasunod, sumagana ang mga mahihirap sa paligid ko.

Dumating sa puntong dapat ko nang totohaning pagsabayin ang kaunlarang pangkapwa at pansarili nang ako’y kumikita na. Noong mangailangan ng malaking halaga ang aking mga magulang, nagpasya akong maghanap-buhay sa ibayong-dagat. Naabutan ko ang palitang Php 11.50 kada Saudi riyal, bago ito maglaro sa mahigit Php 12 sa kasalukuyan.

Hindi pa ako agad-agad tumigil sa pagiging OFW kahit na alam kong hirap na ang aking butihing maybahay sa solong pag-aalaga sa aming anak. Matapos ang higit dalawang libong araw sa loob ng pitong taon, nag-final exit na ako sa bansa ng Arabyano at tinuturuan ko na’t pinaghahandaan ngayon ang pagpasok ng anak namin sa Grade 1.

Tamang-tama at wala akong teaching load ngayong tag-araw sa isang pamantasan sa Maynila na unang nagbigay-pagkakataon sa aking sumabak sa mahirap ngunit masayang mundo ng pagtuturo ng Pulitika at Pamamahala na May Saligang-Batas (POLGOV ngayon, PHILGOV noong ako’y nag-aaral) at Lipunan at Kultura na May Pagpaplanong Pampamilya.

PAHAYAGANG PARA SA TAO, MULA SA TAO

Samahan ninyo kami sa mundo ng impormasyon at komunikasyon. Makilahok sa citizen journalism (kumpara, hindi laban, sa mainstream media). Nabanggit din natin (sa naunang pitak na Mga Seksyon) na ginagamit din natin bilang sandata ang devcom sa pakikipaglaban sa kahirapan. Komunikasyong pangkaunlaran o development communication ang tawag sa anumang pakikipagtalastasan na totoong totoong nakalinya sa kaunlaran. Hindi ito basta diseminasyon ng impormasyon sa konsepto ng FAO. Para sa organisasyong internasyonal, ito’y pagbibigay-pansin sa kahalagahan ng pagtataas ng kamalayan, dimensyong kultural ng kaunlaran, pagbabahagi ng impormasyon, karunungang lokal, pangkaranasang pagkatuto at ang huli ngunit lubhang napakahalaga, aktibong partisipasyon ng mga taong rural at iba pang stakeholders sa pagpapasya.

Nabuo ang komunikasyong pangkaunlaran (devcom) sa kagustuhan ng mga akademiko sa pangunguna ni Dr. Nora Quebral ng UP Los Baños na makatugon sa mga suliraning panlipunan. Nakatuon ang Devcom, bilang isa sa mga pangunahing hinuha (assumptions) nito, sa mga pinoproblema ng lipunan na may pinag-uugatan at ang mga ito’y mareremedyuhan ng impormasyon at komunikasyon.

Sa ganito tuluyang nagsanga ng devcom ang komunikasyon, bukod pa ang mass communication (masscom) o komunikasyong pangmadla.

Sa megamanilascene.wordpress.com, sisikapin nating makatuwang ng mga pamahalaang lokal, nasyonal, at internasyonal na maiahon sa kahirapan ang marami nating kababayan. Seseryosohin natin ang mga usaping sosyo-ekonomiko, pangkapayapaan at kaayusan, tamang pamamahala, at kalusugan. Meron din tayong mga magaang na pagtalakay sa balitang pampalakasan, estilo sa buhay, at iba pa.

Hindi natin inaalis ang katotohanang merong taglay na pag-asenso ang Maynila at mga karatig pook nito na mas kilala sa tawag na Mega Manila. Bagamat may pag-unlad, hindi ito dama ng lahat ng uri ng mamamayan nito. Nakikiisa ang Mega Scene sa mga panawagang wakasan na ang underdevelopment sa Mega Manila bilang isa sa mga tugon upang makaranas ang lahat ng Pilipino ng inclusive growth.

Maganda nga ang itinatakbo ng mga pagbabagong pulitikal sa pagkakapanalo ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte bilang Pangulo ng Pilipinas. Mula ng maglaho ang usok ng pamumulitika at eleksyon noong ika-9 ng Mayo na maagang nagresulta sa proklamasyon ni Duterte – at sa kongresistang si Leni Robredo bilang Pangalawang Pangulo – kabi-kabila ang malalaking drug raids at mas pinaigting na curfew. Hindi naman daw sila nagpapasikat sa President-elect. Pero aminado rin sila na malaki ang naitulong ng mga pinakawalang salitang pagalit ni Duterte sa kanilang mga aksyon ngayon.

Gayunpaman, para sa amin sa Mega Scene, ayaw naming pakasiguro sa inaakala nating “change is coming” slogan. Salamat na lamang kung magiging pambansa na ang seryosong pagpapatupad ng bawal-sigarilyo sa pampublikong lugar. Salamat na lamang kung magiging pambansa na rin ang bawas-alak sa gabi/hating-gabi/madaling-araw. At salamat na lamang sa political will ng administasyong Duterte mula Unang Araw hanggang sa maka-anim na SONA ang Pangulo, hanggang bumaba siya sa pwesto sa 2022.

Tututukan natin ang underdevelopment o ang kakulangan ng sapat na pag-unlad ng Mega Manila kahit anupaman o sinupaman ang maging paksa ng mga exposé natin sa Mega Scene. Kasihan nawa tayo ng Diyos.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s