Death penalty: kung hindi ipatutupad paano masusugpo ang krimen

Death penalty2

Itinatadhana ng Seksyon 19, Bill of Rights ng 1987 Philippine Constitution:

Section 19. (1) Excessive fines shall not be imposed, nor cruel, degrading or inhuman punishment inflicted. Neither shall the death penalty be imposed, unless, for compelling reasons involving heinous crimes, the Congress hereafter provides for it. Any death penalty already imposed shall be reduced to reclusion perpetua.

(2) The employment of physical, psychological, or degrading punishment against any prisoner or detainee or the use of substandard or inadequate penal facilities under subhuman conditions shall be dealt with by law.

1987 ito, 29 na taon na ang nakararaan. Ang Saligang-Batas, sa pagkakabanggit ng parusang kamatayan (death penalty), ay maliwanag na nagpapahintulot sa pamahalaan na magparusa ng ganito kung, at kung, merong mga mabibigat na dahilan na may kinalaman ang mga karumal-dumal na krimen. Hindi mo masisisi si Pangulong Duterte na hangarin niyang maibalik ang parusang kamatayan dahil alam niya ang partikular na seksyon na ito at wari’y napapanahon na sapagkat talamak na ang droga at mga karumal-dumal na krimen mula noong taon ng ratipikasyon ng Konstitusyon sa mga panahong pampanguluhan ni Cory Aquino, Fidel Ramos, Joseph Estrada, Gloria Macapagal-Arroyo, at Noynoy Aquino.

Sa bigat ng sitwasyon, nakabilang sa plataporma ni dating Davao City Mayor Rody Duterte na, kapag siya’y mahalal bilang Pangulo, ibabalik o ipababalik niya ang parusang kamatayan. Ang pumangalawa sa kanya’y tutol sa panunumbalik ng death penalty at, ang pumangatlo, pabor din.

Noong ika-9 ng Mayo 2016, pinili ng nakararami ang may gusto sa parusang kamatayan sa pamamagitan ng pagbigti – ang matapang sa salita at sa gawa na si Duterte.

Kung hindi siya ang nanalo, may mga nagsasabi, mukhang patuloy ang paglala ng kriminalidad kabilang na ang ipinagbabawal na gamot.

Fast-forward tayo mula Mayo papuntang kasalukuyang buwan ng Hulyo, ang mabigat na nga talagang tanong: Kung hindi ipatutupad ang parusang kamatayan, paano masusugpo ang krimen?

DRUG DEATHS MUNA

Higit 100 katao ang nanlaban umano sa mga kagawad ng Philippine National Police sa ikinasa nilang buy-bust at kahalintulad na operasyon, kaya mayroon ganoong bilang ng drug deaths.

Linawin natin. ‘Pag sinabing “nanlaban”, merong nang-agaw ng baril ng pulis na nakaposas na o kaya naman, nakatakas sa engkwentro at pulis ang mapapatay kung hindi suspek ang mapapatay ng pulis. Hindi ako nakatitiyak sa iba pang paliwanag o iba pang ibig sabihin ng pulisya doon sa mga “nanlaban” pero sa huling panayam kay PNP Chief Director-General Bato Dela Rosa, heto ang sagot niya sa tanong ng ilan na hindi ba kawalan ng due process kung napapatay ang mga nanlaban sa mga pulis:

“Paano nga dadaan sa due process (ang mga personalidad sa droga) kung papatayin nila ang mga pulis (habang nasa buy-bust and related operations).”

Paglilinaw pa raw: Mananagot ang mga pulis na nagmalabis sa kanilang tungkulin habang ipinaiigting ng pamahalaan ang kampanya nito laban sa droga, at ayaw ni Pangulong Duterte ng ganoong kalabisan sa hanay ng pulisya. Sa katunayan, anila, galit siya sa limang pulis-heneral (na kinaluna’y pinangalanan na niya) at may mga alkalde siyang papangalan na rin daw niya na mga sangkot/protektor ng droga.

Naiulat na natin dito sa Mega Scene ang panig naman ng Komisyon sa Karapatang Pantao: Inoobserba raw ang karapatang pantao sa lahat ng oras at lahat ng tao; kung ang mga nahatulan ngang guilty beyond reasonable doubt ng hukuman ay hindi pinapatay, iyon pa kayang kahuhuli o pinagsususpetsahan pa lamang. (Tingnan ang dating isyu, Pahina 10, sa https://megamanilascene.files.wordpress.com/2016/06/mega-scene-vol-1-issue-4.pdf)

“Kung ayaw ‘nyo sa akin, huwag ‘nyo akong iboto,” nauna nang sinabi ni Duterte noong hindi pa siya nahahalan, pero napasakanya pa rin ang plurality of votes. Kaya may kaakibat na tanong ang iba: Ito nga bang mga pagpatay (kalimitan, patungkol sa drug deaths) ang talagang gusto natin?

PARUSANG KAMATAYAN

Sa Bill of Rights pa rin: “Section 1. No person shall be deprived of life, liberty, or property without due process of law, nor shall any person be denied the equal protection of the laws.”

Hindi lamang due process, kundi pinagsamang due process at pagkakapantay-pantay na proteksyon sa mga batas, kasama na ang batas sa pagkakaloob ng mga serbisyo-publiko.

Masusugpo ang krimen sa pinagsama-samang kampanya ng taong gobyerno at taumbayan laban sa kahirapan, pangungurakot, tamang pamamahala, pagpapanatili kung hindi man, pagpapahusay, ng social justice o katarungang panlipunan (“Ang hindi nakasasapat sa buhay ay dapat mas nakalalamang sa batas”), at pagbibigay-diin sa kahalagahan ng takot sa Diyos, nang hindi naman nangangahulugang huwag nang magtiwala sa pamahalaan. Tama naman si Presidente: Nawawalan o pagkawala na ng tiwala sa pamahalaan at iyon, aniya, ang suliraning kinakaharap niya at natin.

Hindi pwedeng sabay ang pagpapatupad ng parusang kamatayan (meron o wala mang pagdaanang due process) sa pagbibigay ng katarungang panlipunan; sa ibang salita, sikaping hanapin ang pagkukulang ng Estado na mapagkalooban ng sapat na tulong, sapat na serbisyong legal, pananalapi, pangkabuhayan, pang-edukasyon ang sana’y parurusahan ng kamatayan ng Estado.

Kung ako ang tatanungin, sa aking pagkakaalam at patuloy na pangangalap, walang siyentipikong pag-aaral na nagsasabing pang-iwas (deterrent) sa mga taong gumawa ng krimen ang kaparusahang kamatayan.

Hindi rin natin pwedeng sabihin sa ibang bansa na, “Huwag ninyo pong ipatupad ang death penalty ninyo sa aming kababayan diyan sa bansa ninyo” kung sa atin mismong bansa ay ipinatutupad natin ito.

Meron ka bang alam na mayaman pero naparusahang mamatay – at talagang napatay ng Estado? Sentensyang kamatayan kay Ferdinand Marcos sa pagpatay noong 1939 sa kalaban sa pulitika ng kanyang ama, ngunit hindi siya napatay ng Estado at kinalaunan pa’y nahalal na Presidente.

Nagkaroon din tayo ng convicted plunderer Joseph Estrada, convicted rapist Cong. Romeo Jalosjos, at convicted (kinalauna’y napawalang-sala) sa rape with murders na sina Hubert Webb at barkada/kasama sa pagdo-droga. Anu-ano ang mga nangyari sa malalaking pangalang ito?

Convicted plunderer nga pero nagbenepisyo naman si Erap sa presidential pardon ng dating Pangulong GMA; nasentensyahan lamang ng habang buhay na pagkakabilango si Cong. Jalosjos na isang convicted rapist at kinaluna’y napalaya na rin; ang isa sa mga anak ni dating Senador Freddie Webb na si Hubert Webb ay napalaya matapos ang 15 taong pagkakabilanggo.

BALIK-TANAW KAY WEBB

Hindi talaga bumitaw sa dakilang pagmamahal bilang mga magulang sina Webb (maaari ring basahin ang http://www.philstar.com/newsmakers/2016/03/24/1565943/how-unconditional-love-two-women-set-hubert-webb-free), kasama na ang kanilang battery of lawyers para mapawalang-sala ang noo’y convict na si Hubert Webb.

Due process pa rin. (“overdue” process ang tawag ng iba.)

Sigaw ng mga abugado ni Hubert, paulit-ulit nilang sasabihing walang kinalaman sa Vizconde massacre ang kanilang kliyente bukod pa sa mga alibi (pagdadahilan) nila katulad ng wala siya sa pinangyarihan ng krimen sapagkat nasa Amerika siya noon batay sa napakaraming dokumento.

Noong 15 na taon nang nakabilanggo si Webb, naisipang magprisinta ng bagong depensa alang-alang sa due process ang kanyang mga abugado. Nais nilang patunayang hindi semilya ni Webb ang nasa pangangalaga ng Estado. Ayun na: Wala na sa korte, wala na rin sa NBI ang dapat sana’y naprotektahang ebidensyang semilyang natagpuan kay Carmela Vizconde.

Sa botong pito para, apat laban, at apat na di lumahok (7-4-4), naglabas ang mga mahistrado ng Korte Suprema ng pinal na pasya: Hindi napatunayan ng Hukuman na si Webb at iba pa ay guilty beyond reasonable doubt sa kasong panggagahasa at mga pagpatay sa mag-iinang Vizconde, kaya marapat lamang daw na palayain na agad ang mga nakakulong sa ganoong mga paratang na nagmula sa tambay ng NBI na kilala at aminadong durugistang si Jessica Alfaro na minsa’y may ipinangako sa NBI na ihaharap na star witness pero nabigong tuparin ang pangako at mga ilang buwang nagdaa’y siya na lang daw ang star witness.

Sa bukod na concurring opinion ng noo’y Associate Justice ng Korte Suprema na si Maria Lourdes P.A. Sereno, sinabi niya: “The duty of the prosecution is not merely to secure a conviction, but to secure a just conviction.”

Pero doon sa pagkakasentensyang maturukan (lethal injection) hanggang mamatay, walang pagkakataong maitama ang mali sa habang-buhay na pagkakabilanggo kay Leo Echegaray, isang convicted rapist.

Paanong walang pagkakataon sa pagtatama? Ang tinutukoy natin dito (maging ng kanyang abugado noon na si Theodore Te, ngayo’y SC Spokesman na): Lahat tayo, hindi perpekto. Maging ang lahat ng mga tagahatol. Hindi rin ibig sabihin perpekto ang kapasyahan ng Korte Suprema, mapa-15-0 o desisyon ng mayorya na merong kasamahan sa kanilang 15 mahistrado ang tumutol.

Maaaring maitama ang mali (judicial error) sa pamamagitan ng pagpapalaya sa mga naakusahan. Ngunit sa kaso na kikitilin ang buhay ng akusado, paano pa maitatama ang judicial error kung napatay na ng Estado ang akusado? Kaya sapat nang pagkasyahin ang hustiya hanggang doon lamang sa habang buhay na pagkakabilanggo.

Iyon ang huling pinakamagandang parusa (last best punishment). Malabong ganoon din ang parusang kamatayan.

Sino ang gagawing berdugo? O tuturok? Wala ba silang kasalanan at magiging kasalanan?

BATAYANG PANRELIHIYON

Tutol ang Diyos. Sa 10 Utos bawal pumatay (kahit pa may sinasabi ang iba na ang ipinagbabawal daw ay “murder”). Tutol si Hesu-Kristo sa pagpatay dahil, aniya, ang buod ng Kautusan ay ibigin ang Diyos na buung-buong makakaya (hindi saktong mga salita) at ibigin ang kapwa gaya ng pag-ibig sa sarili.

Mga dagdag pa ni Hesus kinalaunan, “mahalin ang kaaway” at “Ang walang kasalanan, siya ang unang bumato” at iba pang batayang panrelihiyon (Kristiyanismo; meron din akong mga estudyanteng Muslim na tutol at pabor sa parusang kamatayan).

PAGSUGPO SA KRIMEN

Nabanggit na. Marapat lamang ulitin sa huli.

Masusugpo ang krimen sa pinagsama-samang kampanya ng taong gobyerno at taumbayan laban sa kahirapan, pangungurakot, tamang pamamahala, pagpapanatili kung hindi man, pagpapahusay, ng katarungang panlipunan (“Ang hindi nakasasapat sa buhay ay dapat mas nakalalamang sa batas”), at pagbibigay-diin sa kahalagahan ng takot sa Diyos, nang hindi naman nangangahulugang huwag nang magtiwala sa pamahalaan. Tama naman si Presidente: Nawawalan o pagkawala na ng tiwala sa pamahalaan at iyon, aniya, ang suliraning kinakaharap niya at natin.

Hindi pwedeng sabay ang pagpapatupad ng parusang kamatayan (meron o wala mang pagdaanang due process) sa pagbibigay ng katarungang panlipunan; sa ibang salita, sikaping hanapin ang pagkukulang ng Estado na mapagkalooban ng sapat na tulong, sapat na serbisyong legal, pananalapi, pangkabuhayan, pang-edukasyon ang sana’y parurusahan ng kamatayan ng Estado. Prof. DC Alviar (Maaari ring basahin ang kaugnay na pagtalakay niya sa “Still, Debate on Death Penalty” sa two-part series na “Armed Conflict and Neoliberalism” sa Issues 3 & 4 ng Mega Scene.)

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s