HOFUF – The Dates Capital of Saudi Arabia

First time kong sumakay ng tren dito sa Saudi Arabia, pero I did enjoy it.  Bukod sa air-conditioned ang lahat ng coaches, ay malinis din ang mga ito. Very smooth ang takbo ng tren at hindi mo mapapansin na nakasakay ka lang sa tren.  I was very excited sa unang pagbibiyahe ko sa tren papuntang Hofuf, para dumalo sa isang Leadership Training Seminar na kung saan ay muli kung nakadaupang palad si Kuya Romy Ballonado.  Mahigit kasing two years na di kami nagkikita.

Nang kumuha ako ng ticket sa Saudi Railways Organization sa Dammam Station, katabi lamang ng Iskan buildings na tulad ng nasa Jeddah, napansin ko na para ka lamang sasakay ng SAPTCO (Saudi Arabian Public Transport Co.) bus.  Maayos ang facilities nila, may hintayan ng mga babae at pamilya, at mayroon din namang para sa mga lalaki lamang o bachelors.  Sapagkat Ramadan, namimigay sila ng mga kahon-kahong dates sa mga pasahero bago mag-Maghrib, ito iyong sama-sama nilang pananalangin paglubog na paglubog ng araw. Hindi ako nangahas na kumuha at baka ‘ika ko para lamang sa mga Muslim iyon. Maayos din ang proseso ng pagkuha ng ticket.  Para ka lamang bumili ng load ng Sawa.

Ang biyahe ko ay 8:51 ng gabi at eksaktong 8:51 umalis ang tren mula sa station.  May small monitor o tv sa bandang itaas ng coach namin.  Katabi namin ang restaurant o bistro na kung saan pwede kang bumili ng snacks o meals.  I saw some men eating their breakfast (after not eating anything the whole day) in this part of the train.  Wala akong masyadong maaninag dahil parang one way mirror o tinted ang mga salamin ng coach namin although may nakikita akong mga highway at sasakyan na minsa’y halos katabi lamang ng daambakal. Palibhasa’y gabi ang biyahe ko ay hindi ako masyadong nag-enjoy sa sceneries.  Puro darkness and lights lamang ‘ika nga. Kung ano ang nakatalang oras ng dating ng tren sa Hofuf ay gayundin naman ang naging dating namin. Everything was exactly as written on the ticket.

Medyo mainit at humid pagdating sa Hofuf.  Ang istasyon ay moderno bagama’t medyo luma na ang arkitektura ay maaliwalas, maluwang at maluwag ang terminal. Pagdating ng aking sundo ay tumuloy na ako sa aking titirahang bahay.  I never expected to find something real cozy dahil alam ko nang ang lugar na ito ay puno ng mga lumang bahay na yari sa clay at mga primitive materials. Malayung-malayo sa aking tinitigilang apartment sa Al Khobar, ang aking pansamantalang tirahan ay parang isang bahay-kubo kung ikukumpara.  Ang toilet ay iyong European style na flat at makipot ang pintuan. Ang aking kuwarto na nasa rooftop ay talagang mainit dahil bukod sa nasa itaas ay hindi gumagana nang ayos ang air condition. Maalinsangan talaga at kung hindi ka maliligo ay baka hindi ka makatulog.  But nakatulog din naman ako sa unang gabi ko sa Hofuf. Marahil dahil sa pagod sa paglalakbay at sa puyat ng sinundang gabi.

Ang Hofuf ay tinaguriang isa sa pinakamalaking oasis sa buong mundo.  (An oasis is a fertile or green area in a desert.) Dito ay napakaraming taniman ng dates.  Ang pinakalalawigan ay tinatawag na Ash Sharqiyah o Al Hasa. Hanggang noong taong 1953, Ang Hofuf ang capital ng Eastern Province. Maraming mga landmarks ng dating Ottoman Empire ang mapapansin mo sa kapaligiran – tulad ng Ibrahim Palace, Souq Sweiq, Qasr Ibrahim, Al Uqair atbp.

Sa buong area ng Hofuf ay napakaraming date palm farms at kung Huwebes ay mayroon silang tinatawag na camel market, kung saan idinaraos ang karera ng mga kamelyo. Meron din silang tourist spots dito gaya ng mga lumang souk, flea market na kung saan mo mabibili ang sari-saring uri ng mga spices at herbs, mga katutubong likhang sining at mga gamit sa bahay, mga carpet, at kung anu-ano pang samutsaring kagamitan na pwede mong bilhin para may souvenirs ka mula sa bayang ito.  Narito rin iyong tinatawag na “Juda’s Cave” na ibinansag ng mga Pinoy sa isang kuweba ngunit ang tawag ng mga katutubo ay Jabel Al-Qara na sikat sa mga potteries.

Ang Hofuf ay pinagdurugtong ng mga makabagong highway at riles sa Riyadh at sa Dammam. May mga humahabi rin ng mga tela, mga gumagawa ng tanso at iba pang produktong gawa sa metal, tulad ng mga espada at daggers (parang balisong na may katad na suksukan o bayna) na sikat dito sa bahaging ito ng Gitnang Silangan. Hindi lamang dates ang itinatanim dito.  Mayroon din silang mga prutas, palay, trigo at barley. Malapit sa Hofuf ang Osmaniyah o Shimanyah oilfield, isa sa mga unang balon na nahukay at pinagbukalan ng langis. Bukod dito, marami na ring pabrika at planta sa buong Al Hasa na gumagawa at nagsasa-karton ng mga inuming tulad ng gatas, Laban (maasim na gatas), yogurt, mga fruit juices at sodas.

Minsa’y nakakalibang din ang mamasyal sa mga lugar na gaya ng Hofuf, parang probinsiya sa Pilipinas, malayo sa mga traffic at kaguluhan ng isang lungsod.  Sa aking pag-uwi na-enjoy ko ang mahabang tanawin na halos puro disyerto, maliban sa mangilan-ngilang kabahayan sa gilid ng riles at mga makabagong istraktura na nagsusulputan sa iba’t ibang bahagi ng Al Hasa. Ang hindi ko lamang nagustuhan sa Hofuf ay ang sobrang init at humidity.  Parang ang feeling ko ay nasa loob ako ng napakalaking pugon o oven at bumubuga ito ng mainit na hangin sa buong kapaligiran! Ned SamarStraight from the Middle East

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s